for Laguna Governor 2016
Gob. Ramil Hernandez
Kilalanin si Gob. Ramil
BUHAT SA SIMPLENG PAMILYA; LUMAKI SA SARILING PAGSISIKAP
Si Gobernador Ramil L. Hernandez ay lihitimong taga Calamba. Maybahay niya ang kagawad pang-lungsod ng Lungsod ng Calamba na si Ruth Mariano Hernandez. Pinagkalooban sila ng dalawang anak, sina Natasha at Natalie.
Anak si Ramil ng dating Barangay Chairman ng Barangay Mabato ng Calamba na si Norbero G. Hernandez. Ang kanyang ina ay si Rosalinda L. Hernandez. Ikatlo siya sa labingtatlong magkakapatid. Isinilang siya at lumaki sa isang simple, ngunit masaya at mapagmahal na pamilya. Tuwi-tuwina, nangunguna ang batang si Ramil sa kanyang mga gawaing pang-eskolsastiko. Palagi siyang honor student nang siya ay nasa mababang paaralan at nagtapos siyang class valedictorian noong 1985.
Sa high school, ipinakita niya ang kanyang potensiyal at kakayahang mamuno. Siya ay naging pangulo ng Student Body Organization at Corp Commander ng Citizen Advancement Training. Siya ay naging awardee ng Leadership, Talent, at Duty Service, sa Laguna College of Business and Arts at naging masugid na kaanib ng Honor Society.
Ang kanyang mga accomplishments bilang isang estudyante ay nagtuloy-tuloy hanggang sa siya ay makatuntong sa kolkehiyo. Siya ay pinapurihang Best Student Researcher sa Colegio de San Juan de Letran kung saan nya tinanggap ang kanyang Batselyer sa Komersiyo, major in Accounting. Matagumpay niyang tinapos ang kanyang apat na taong kurso sa takdang panahon sa kabila ng kanyang pagiging isang working student.
Pinasok niya ang paglilingkod publiko noong 1991 bilang Sangguniang Kabataan Chairman ng kanilang barangay.
Sinundan ito ng tatlong taong termino bilang konsehal ng Lungsod ng Calamba kung saan siya itinuring na isa sa mga may pambihhirang kakayahang konsehal ng Lungsod. Mandi’y siya’y naging pangulo ng Laguna Chapter ng National Movement of Young Legislators.
Noong taong 2004, naging tampok sa kasaysayang politikal ng Laguna ang kanyang pagwawagi bilang Provincial Board Member na nagkaloob sa kanya ng 121,672 boto na nagproklama sa kanya bilang No. 1 Board Member ng Lalawigan. Ang kanyang nakamit na boto ay pinakamataas sa kasaysayang halalan sa lalawigan. Noon, siya’y naglingkod din bilang Majority Floor Leader ng lalawigan.
Muling pinatunayan ni Ramil noong 2007 ang kanyang popularidad na tinangkilik ng di-mabilang niyang mga tagasunod nang siya ay mahalal na pinaka-batang bise-gobernador ng lalawigan. Lumamang ang kanyang boto sa kanyang katunggali ng kagulat-gulat na 160,368 sa isang landslide victory.
Tumakbo siya muling bise-gobernador at naturing na pinakabatang kandidato noong 2010, at muli, sa ikatlong pagkakataon noong 2013. siya ay nagtagumpay.
Si Gobernador Ramil L. Hernandez ay itinalaga ng Commission on Elections bilang gobernador ng Lalawigan ng Laguna noong Mayo 28, 2015 sa edad na 41, matapos ihain ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Writ of Execution na nagpapawalang bisa sa pagkakahalal ng nanungkulang gobernador na si Emilio Ramon "ER" Ejercito na gumasta ng labis sa itinuturing ng batas nang siya ay mahalal.
Muling humaharap si Gobernador Ramil Hernandez sa mamamayan ng lalawigan upang ganap niyang makamit ang minanang luklukan ng pinakamataas na opisyal ng lalawigan at kanyang maipagpatuloy ang mga programang sinimulan na nakatuon sa maginhawa at mapayapang pamumuhay ng lahat ng Lagueño.